INILABAS na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Order para sa P1 provisional fare increase sa mga pampasaherong jeepney sa National Capital Region, Region 3 at Region 4.
Mula sa P8 ay magiging P9 na ang pamasahe.
“The provisional authority to increase fare rates, shall be effective immediately upon issuance hereof, and until full and final disposition of the petition for fare increase or unless modified/revoked and/or cancelled by the Board,” saad ng Order.
Iginiit naman ng LTFRB na tuloy din ang pagbibigay ng 20 porsyentong discount sa mga senior citizens, estudyante at taong may kapansanan.
Nilinaw din ng LTFRB na ang minimum o base fare lamang ang dinagdagan ng piso para sa hindi hihigit na apat na kilometrong biyahe. Mananatili ang singil sa mas mahabang biyahe.
“All other regions which have no pending petition for fare increase and prayer for provisional increase shall have no fare adjustment. Their existing authorized fares shall remain.”
Noong Pebrero 8, 2017 ay pinayagan ng LTFRB na itaas sa P8 ang minimum na pasahe mula sa P7. Ang presyo ng diesel noon ay P31-33 kada litro. Ngayon ang presyo nito ay P41-46 na.