NAIS ng ‘Star for All Season’ at House Deputy Speaker Vilma Santos-Recto na itaas ang school supply allowance ng 840,000 guro sa pampublikong paaralan.
Inihain ni Santos-Recto ang Teaching Supplies Allowance bill (House bill 3449) upang mabawasan umano ang inaabono ng mga guro sa kanilang pagtuturo.
“Aside from spending for their personal and family needs, teachers also have to shell out some more money from their own pockets for the materials they use in teaching,” ani Santos-Recto.
Sa kasalukuyan ay P3,000 ang chalk allowance ng mga guro kada taon.
Sa ilalim ng panukala ng lady solon, itataas ito sa P10,000 kada school year. Limitado ang allowance sa mga guro na aktwal na nagtuturo.
Sa unang taon ng pagpapatupad ng panukala, P3,500 ang ibibigay kada guro at ang nalalabing P6,500 ay nakadepende sa savings ng Department of Education.
Sa susunod na taon ay buo na itong ibibigay at isasama sa budget ng DepEd sa ilalim ng General Appropriations Act.
Inaatasan din ang DepEd na magsagawa ng periodic review kaugnay ng mga presyo ng school supplies na kailangan ng mga guro at magrekomenda ng pagtaas kung kinakailangan.
Ang Teaching Supplies Allowance ay exempted sa income tax.