IPINANGANAK si Vachirawit Chiva-aree, mas kilala bilang Bright, noong December 27, 1997 sa Nakhon Pathom, Thailand.
Sikat na sikat na sa Pilipinas ang karakter niyang si Sarawat sa Thai romantic-comedy series na “2gether: The Series.”
Nagtapos siya ng junior high school sa Suankularb Wittayalai School samantalang nag-high school sa Triam Udom Suksa School. Kasalukuyang siyang kumukuha ng kursong Marketing (International Program) sa Bangkok University.
Ang Thai-American actor ay unang napanood noong October 2013 bilang host ng teen show na “Strawberry Krubcake.” Kabilang siya sa walong miyembro na bumubuo sa show na ito na tumagal hanggang September 27, 2015. Ang “Strawberry Krubcake” ay ang pinakasikat na teenage TV show noong panahon na ipinapalabas ito.
Nag-debut si Bright bilang aktor noong 2016 sa pelikulang “Love Say Hey,” na tungkol sa mga graduating high school students na binabalanse ang pag-ibig, pagkakaibigan at pag-aaral habang abala sa kanilang graduation project.
Nagsimula siyang mapansin nang gumanap siya bilang young version ng karakter na si Parama Otwaphan o Peng sa drama series na My Ambulance.
Lubos siyang sumikat hindi lang sa Thailand kundi pati na rin sa international scene nang bumida siya bilang Sarawat sa romantic-comedy series na “2gether: The Series” na nagsimula ngayong 2020. Isa itong BL series na tungkol sa university students na nagpanggap na magkarelasyon para makaiwas sa admirer ng isa sa kanila. Katambal niya rito si Win Metawin na gumaganap naman bilang Tine. On-going pa ang series na ito.
Bukod sa pag-arte ay into music din siya. Marunong siyang tumugtog ng gitara at ng mag-drums. Mahilig rin siyang gumawa ng song covers na maaaring mapanood sa kanyang Instagram at sa YouTube channel ng kanyang kasalukuyang network na GMMTV.
Nagmu-Muay Thai o Thai Boxing din siya at mahilig sa photography.
Maaari siyang i-follow sa Twitter at sa Instagram, kung saan mayroon siyang mahigit 3.4 million followers, na may parehong username na @bbrightvc