LUMINIS, sumigla at tumahimik ang Baguio City.
Matapos na mawala ang mga turista sa siyudad kasunod ng enhanced community quarantine, natutulog na hardin na maituturing ang popular na bakasyunan.
Mahigpit munang ipinagbabawal ang paggagala sa mga pasyalan para maiwasan ang paglaganap ng coronavirus.
Sa mga panahong ito, dagsa na sana ang mga tao sa “Summer captial” para magpalamig. Pero sa kasalukuyan, nagpapahinga ito at pinagaganda para sa pagbabalik ng turismo sa takdang panahon.
Pinangunahan ng City Environment and Parks Management Office (CEPMO) ang muling pagpapasigla sa mga halaman at parke na pangunahing atraksyon sa Baguio.
Kapansin-pansin ang paglago ng mga puno at bulaklak sa mga sikat na parke at major roads, ayon kay assistant city environment officer Rhenan Diwas sa report ng Inquirer.
Ang Burnham Park may fresher look nang walang bumibisita simula March 17 habang ipinagpatuloy ng CEPMO ang pagpapaganda at paglalagay ng flower bed sa Botanical Garden nitong May 4.
Pagkatapos ng May 15, ilalagay naman ang bagong landscapes sa Botanical Garden gaya ng luntiang damuhan na may yellow margaret flowers para bumagay sa elephant statues na donasyon ng Thai royal family.
“We could not grow begonias at the mini-islands along Magsaysay Avenue in 2016 because of the vehicular smoke. Now they’re blossoming,” sabi ni Diwas.
Plano pa ng CEPMO na magtanim ng pine trees at decorative trees sa arboretum (tree garden) na ginagawa sa Botanical Garden. Maglalagay rin ng water system sa Garden pati na rin ang elevated walkways sa arboretum.
Mas maraming bulaklak din ang nais itanim ng lungsod sa Malcolm Square sa central business district ng Baguio.
Ipakikita ang pinasiglang mga parke sa online tour na “Dream Now, Travel Later” na idinevelop ni Tourism Officer Aloysius Mapalo para mapunan ang pagnanais ng mga turista na makabalik sa Baguio.