PITONG beses na mas epektibo ang filtration rate ng naimbentong abaca face mask kaysa ordinaryong cloth mask, ayon sa Department of Environment and Natural Resources na siyang nagsusulong nito para gamitin ng mga frontliners.
Tinatawag na 7XB Fiber Mask, ang gawang ito ng Salay Handmade Products Industries, Incorporated, ay mas mababa rin ang water absorption rate kaysa mga N95 mask, ayon sa test na isinagawa ng Department of Science and Technology.
Ang mga mask na ito ay washable sa pamamagitan ng pagbabad sa tubig na may sabon. Kapag naabot na nito ang serviceable life limit, eco-friendly rin ito dahil wala itong plastic o ano pang mapanganib na kemikal.
Dahil sa paglaganap ng coronavirus pandemic, tumaas ang demand para sa abaca na ginagamit hindi lamang sa mga face mask kundi pati sa mga personal protective equipment o PPE.
Ang Pilipinas ay mayroong 142,000 hektarya ng taniman ng puno na mukhang saging. Ang bawat hektarya ay nakalilikha ng 0.54 metriko tonelada ng abaca fiber.
Sa 81 probinsya ng bansa 51 ang mayroong abaca farm. Sa Catanduanes nanggagaling ang 35 porsyento ng pinakamalaking produksyon ng abaca ng bansa.