NAKALIKOM si Miss Universe 2018 Catriona Gray at ang non-profit organization Young Focus Philippines ng $47,000 (P2.37 million) para sa 6,000 pamilya sa Smokey Mountain sa Tondo, Manila.
Base sa kanyang Instagram post, nakapagbigay ang “No Work, No Rice” fundraiser ng bigas at iba pang essential items sa mahihirap na pamilya sa lugar na naapektuhan ang hanapbuhay dahil sa COVID-19 pandemic.
“When faced with barriers, we can choose either to stay within our own walls or choose to reach out,” sabi ni Gray sa kanyang post.
Tuwing sampung araw kung magbigay ng supply sa mga pamilya ang Young Focus. Umabot na sa 65,000 kilograms ng bigas ang naipamahagi ng samahan.
Bukod sa nawalan ng trabaho, sinabi ng beauty queen na doble dagok ang nararanasan ng mga residente matapos tupukin ng apoy ang 400 kabahayan nitong buwan ng Abril kung saan libong katao ang naapektuhan nito.
“And it’s because of all YOUR generosity and KINDNESS that we’ve been able to reach out and help feed thousands of vulnerable Filipino families and also give much needed relief to fire victims in Tondo.”
Nai-relocate na rin ng organisasyon ang 50 nasunugang pamilya sa kalapit na paaralan at sinuportahan ang kanilang pangangailangan.
Patuloy pa ang paghikayat ni Gray sa sa mga tao na tumulong para maipagpatuloy ang kanilang initiative hanggang sa alisin na ang extended community quarantine sa Maynila.
Pinasalamatan naman niya ang lahat ng nakiisa sa proyekto kabilang na sina Kim Chiu, komedyanteng si Pooh at Dra. Vicki Belo na nagbigay ng pagkain, sabon, face masks at iba pa.
“THANK YOU to all of you who have helped us to #PassTheKindness from your homes, to the homes of those in need,” aniya.
Sa isang short video na nilapatan ng kanyang kantang “We’re in this Together” ipinakita ni Gray ang tulong na ginawa ng Young Focus.