LUMAKAS ang bentahan ng mga collectibles na may kaugnayan kay NBA icon Michael Jordan dahil sa worldwide success ng “The Last Dance” docu-series. Ang ilan nga, naibebenta ng daan libong dolyares.
“Timing is everything,” sabi ni Jordan Geller, isang collector na tinatayang kikita ng mahigit $240,000 dahil sa bentahan ng Sotheby’s sa isang pares ng Air Jordan 1 sneakers — ang unang modelo na ginawa ng Nike para lang kay Jordan.
Ang nasabing pares ng sapatos na ginamit ni Jordan sa laro ay posibleng magtala ng auction record para sa mga sneakers at lagpasan ang $437,500-Nike Moon Shoe na naitala noong isang taon.
SIkat ang iba’t ibang Air Jordans para sa mga shoe collectors sa nakalipas na 30 taon kabilang na ang mga jerseys at trading cards na kinatatampukan ni Jordan na nagwagi ng anim na NBA titles sa Chicago Bulls at kinikilala bilang greatest player sa kasaysayan ng liga.
Kinikilala ng maraming tao si Jordan bilang isang key figure sa pagkakaroon ng market para sa mga collectible sneakers. Ang mga non-sports personalities gaya nina Kanye West at Travis Scott ang tanging kakumpetensya niya sa kasalukuyan.
Tinalakay sa 10-part ESPN documentary ang buong basketball career ni Jordan partikular ang paghahabol ng Bulls sa ikaanim na NBA title na siyang nagpalakas ng interes sa mga bagay na may kaugnayan sa kanya.
“I think this is a game-changer,” sabi ni Chris Ivy, director ng sports collectibles sa Heritage Auctions, patungkol sa documentary series na ipinapalabas sa buong mundo ng Netflix.