TINAWAG na ‘high-risk activity’ ang pagkanta sa choir matapos kumalat ang mga reports ng pagkalat ng coronavirus disease sa mga miyembro ng choir groups.
Sa Germany, limang araw matapos magsagawa ng rehearsal noong March 9 ang Berlin Cathedral Choir, isa sa 80 miyembro nito ang lumapit sa choir director para sabihing positibo siya sa COVID-19.
Lumipas ang dalawang linggo ay 30 sa mga miyembro ang nagpositibo at 30 pa ang nagpapakita ng sintomas kasama ang choir director.
Sa Amsterdam naman ay 102 na choir members ang nagkasakit ng COVID-19.
Dahil dito, nagbabala ang Robert Koch Institute disease control centre ng Germany laban dito. Sinabi rin ni RKI head Lothar Wieler na ang mga droplets ay mas malayo ang nararating kapag kumakanta.
Sa ilalim ng pinaluwag na guidelines sa Germany, maaaring pumunta sa mga park para makipagkita sa kaibigan, kumain sa mga dine-in restaurants, window shopping at maging mag-swimming pero nanatiling pinagbabawal ang pagkanta.
Paliwanag ng choir director na si Tobias Brommann, ang takot na ito ay maaaring galing sa pamamaraan ng pagkanta. Sa choral singing kasi kinakailangan ang malalim na paghinga at pagbuga, kaya kapag may virus sa ay madali itong makakapunta sa lungs.
Ilang research, katulad ng study na ginawa ng The Bundeswehr University sa Munich, ang nagsasabi na nagagalaw lang ng isang tao ang hangin sa pamamagitan ng pagkanta sa loob ng kalahating metro sa harap nito.
Naglabas naman ng guidelines na maaaring sundin ang Freiburg University’s Institute for Performing Arts Medicine katulad ng pagbabawas ng tao sa loob ng isang kuwarto, oras ng rehearsals, pananatiling dalawang metrong layo, pagkakaroon ng screening sa choir members at ang pagsusuot ng face mask.