POSIBLE umanong mabawasan ang bilang ng mga estudyante na papasok sa darating na School Year 2020-21 dahil sa takot ng mga magulang na mahawa ang kanilang mga anak ng coronavirus disease 2019.
Isa ito sa scenario na tinitingnan ng Department of Education habang naghahanda sa pagsisimula ng klase sa Agosto 24.
Maaari rin umanong tumaas ang bilang ng mga estudyante sa pampublikong paaralan dahil sa pag-alis ng mga ito sa pribadong paaralan bunsod ng hirap ng buhay.
“We don’t know if this will balance each other out,” ani Education Sec. Leonor Briones. “Pero kami we are anticipating that perhaps there might be—sa initial enrollment projection—that there might be a small reduction in enrollment but we will see how it turns out by the end of June.”
Nauna ng sinabi ni Briones na magsisimula ang klase sa Agosto 24 subalit hindi nangangahulugan na babalik na sa face-to-face learning.
Posible umano na maging online ang klase sa ilang eskuwelahan bunsod ng mga kaso ng COVID-19.
Upang matugunan ang problema sa internet, maaari rin umano ang take-home readings at activities.