PLANO ng Government Service Insurance System na gumawa ng special educational loan para sa anak ng mga miyembro nito.
Ayon kay GSIS president Rolando Macasaet, maaaring marami ang lumipat sa pampublikong paaralan dahil sa epekto ng coronavirus disease 2019.
Maaari umanong pautangin ng average na P50,000 ang mga miyembro para ipambayad sa matrikula ng kanilang anak. Maaari umano na 10 taon ang maging bayaran sa pautang na ito.
Habang nag-aaral pa ang kanilang mga anak, maaari umano na interes lamang muna ang bayaran ng miyembro.
Ang mga miyembro ng GSIS ng 15 taon umano ang maaaring magbenepisyo sa panukalang programa na ito.
May pag-aalinlangan naman si Sen. Sonny Angara sa criteria na ito ng GSIS dahil nangangahulugan na marami ang hindi makakasali sa programa.
“When you say you want to limit it to those members of 15 years, that might discriminate against the ones who need it more because if you’re already a 15-year member of the GSIS, you’re already earning substantially, I would think. You’ve been promoted a number of steps already… maybe something to think about lang,” ani Angara.
Paliwanag ni Macasaet ang mga miyembro ng GSIS ng 15 taon ay tiyak na may makukuhang pensyon. Kaya kung hindi makakabayad ang mga ito ay babawasan lamang ang kanilang makukuha kapag sila ay nagretiro.
Ayon kay Macasaet kalimitan na ang mga nasa serbisyo ng 15 taon ay may anak na sa kolehiyo.
Nangako naman si Macasaet na pag-aaralan pa ang panukala at agad na ilalabas kapag naging pinal na.