GUPIT lamang ang serbisyong papayagan sa muling pagbubukas ng mga salon at barbershop sa pag-iral ng general community quarantine sa ilang lugar sa bansa sa Lunes.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, bawal pa rin ang manicure, facial, at iba pang serbisyo sa GCQ.
“Huwag po kayo masyadong ma-excite dahil limitado po ang mga barbero at mga salon sa paggugupit. Wala pa ring facial, wala pa ring sa kuko, wala pa ring pagtanggal ng mga eyebrows. Hanggang gupit lang tayo,” aniya.
Sa ilalim ng Resolution No. 41 ng Inter-agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) balik na ang operasyon ang mga beauty salon at barberya simula Hunyo 7 pero hanggang 30 porsiyentong kapasidad lang ang papayagan. Matapos ang dalawang linggo ay nasa 50 porsyentong kapasidad na ang papayagan at makalipas ang tatlong linggo, balik na sa normal ang operasyon.