
Photo: Mark Lester Andrei Cruzet/ Facebook
YES, you heard it right. Senior high school graduates na sina “Jollibee” at “Mcdo.”
Pero hindi sila ‘yung kinalakihan ng mga Pinoy na mascots from well-loved fastfood chains, kapangalan lang nila ang kambal na nagtapos ngayong taon.
Proud na ibinahagi ni Mark Lester Andrei Cruzet sa Facebook ang mga itinuturing na kapatid na sina Jollibee at Mcdonald Pangindian na tinapos ang Information and Communication Technology (ICT) strand sa Theresian School of Cavite sa Bacoor City.
Kwento ni Jollibee sa Inquirer Libre, grade school pa lang ay magkaklase na sila ni Mcdo at ngayong pagpasok ng college ay parehas nilang kukunin ang kursong Information Technology sa Cavite State University.
At dahil ipinangalan sa kanila ang two of Pinoys’ most favorite fastfood, pangarap ng magkapatid na magkaroon ng sariling franchise ng mga ito.
“Alam po namin na papatok po agad ito sa masa,” sabi ni Jollibee.
Kambal na anak ng elementary school paper adviser ni Cruzet ang fraternal twins.
“Kwento ng SPA kong si Ma’am Evelyn, napagdesisyonan ng kanyang asawa na Jollibee at Mcdonald ang ipangalan sa kambal para umano maging uniqe at madaling matandaan ng tao,” kwento ni Cruzet sa kanyang post.
Salaysay pa ng uploader, pamilya ang turing sa kanya ng magkapatid at mga magulang nito kaya ganoon na lamang siya ka-proud sa recent achievement nina Jollibee at McDo.
“Mga kapatid na turing ko sa kambal na ito at pangalawang ina sa SPA ko. Minsan, sa kanila na nila ako pinapatulog lalo na noong napalayas ako sa amin. Tinutulungan kapag may problema lalo na financially.
“I am grateful dahil alam kong bukod sa sarili kong pamilya, may iba pa akong kikilalaning pamilya sa ibang tahanan. I am blessed beyond measure for finding a family away from our home.”