IBA ang pagiging loyal ng mga aso, at patunay lang nito ang asong naghintay sa kaniyang amo ng tatlong buwan matapos itong magkasakit ng coronavirus disease.
Dumating ang aso bandang February kasama ang kaniyang amo sa Wuhan Taikang Hospital sa China. Nakakalungkot lang dahil namatay ang kaniyang amo matapos ang limang araw dahil sa kumplikasyon sa COVID-19.
Hindi alintana na hindi na muling babalik ang kaniyang mahal na owner, matiyagang naghintay sa lobby ang aso, na nabuhay lang dahil pinapakain siya ng mga staff na naawa rito.
Isang staff naman ang nagbigay na pangalang Xiao Bao o Little Treasure sa aso.
Sinubukan siyang paalisin ng mga staff, meron pa ngang nagdala sa kaniya sa malayo pero pilit siyang babalik para maghintay muli sa lobby ng ospital.
Ayon sa report, napaalis lang nang tuluyan ang aso nang makatanggap ng mga complaints at itinawag sa Wuhan Small Animal Protection Association na siyang kumuha sa aso.
Sa statement mula sa shelter, naghahanap na ng pwedeng umampon kay Xiao Bao.