HINAMON ni Senator Nancy Binay ang mga opisyal ng Department of Transportation na mag-commute sa kabila ng tingin niya’y kawalan ng plano ukol sa transportasyon ngayong nalipat na sa general community quarantine status ang Metro Manila.
Kinuwestyon niya ang kawalan ng plano, gayong halos tatlong buwan na pwedeng pagplanuhan ito matapos malagay ang National Capital Region sa enhanced community quarantine.
“Ano ba talaga ang plano ng DOTr sa commuters? Three months under ECQ and still they have no clear plan in place. What happened to foresight? Mabuti sila’t aircon ang mga sasakyan.” ani Binay.
Hamon niya sa mga ito na mag-commute para maramdaman ang hirap na pinagdadaanan ng mga commuter.
“Eh kung subukan kaya ng mga opisyal ng DOTr mag-commute mula sa kani-kanilang bahay papasok sa opisina nila [sa Clark City o Ortigas]? Dapat maramdaman nila ang hirap na pinagdadaanan ng mga commuter. They won’t be able to plan well if they don’t feel and understand the people’s daily struggles.” aniya.
Para sa senadora, hindi raw handa ang pamahalaan para sa mobilidad na kinakailangan sa ilalim ng GCQ kung saan halos 30 porsyente ng workforce sa mga industriya ay pinayagan nang makapasok.
Hindi raw rin anya patas na ang mga pribadong sasakyan ay halos walang restrictions samantalang kakaunti ang pagpipilian ng ibang commuters para makapasok.
Sa ilalim ng GCQ, pinagbabawal pa rin ang pagbiyahe ng mga tradisyonal na jeep.
Pinagbabawal din ang pag-papaangkas sa mga motorsiklo.
“They knew that 30 percent of those in NCR will start going to work by June 1—tapos ang idi-deploy eh truck ng libreng sakay (then they will deploy trucks for free rides) which compromise and breach all health protocols particularly physical distancing.” dagdag ni Binay.