HINDI bibigyan ng P2,000 financial assistance ang mga Pasig Health Aides dahil sila ay tatanggap naman ng COVID-19 Hazard Pay na P500 kada araw.
Sa isang Facebook post, masayang ibinalita ito ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa kaniyang mga followers.
Dahil dito, ang mga PHA ay maaaring makatanggap ng bonus na aabot sa P11,000.
“Sa mga Pasig Health Aide (#PHA)… wala po kayong financial assistance na 2K……………dahil meron kayong COVID-19 HAZARD PAY 500/DAY MULA MARCH 17 TO MAY 31. Ibig sabihin, kung 22 days kayong pumasok, may bonus kayong 11K. Yung iba sa inyo makakatanggap ng halos 30K!!” ani Sotto.
Isang ordinansa ang ipinasa sa Pasig City kung saan puwede nilang igawad ang maximum amount para sa hazard pay sa mga health workers na alinsunod sa Administrative order no. 26 ni Pangulong Duterte.
“Maraming salamat po sa serbisyo niyo para sa kaligtasan at kalusugan ng mga Pasigueño!!!” mensahe ni Sotto.