
tricycle
NILINAW ng Department of Interior and Local Government na bawal ang mga pedicab at tricycle sa national highway kahit sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) at Modified GCQ.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya nananatili ang batas na nagbabawal ang mga ito sa kalsada.
“Nililinaw po ng DILG na bawal pa rin ang tricycles at pedicabs sa national highways kahit pa nasa GCQ o MGCQ level na ang ilang lokalidad. Bago pa man magsimula ang pandemya ng COVID-19 corona ay ipinagbabawal na ito ng batas para na rin sa kaligtasan ng publiko,” ani Malaya.
Ang nasuspendi umano dahil sa coronavirus pandemic ay ang Road Clearing Operation 2.0.
Ang tricycle ay ipinagbabawal sa ilalim ng Land Transportation and Traffic Code (Republic Act 4136) na ipinatutupad na bago pa ang DILG Memorandum Circulars (MCs) 2020-036, 2020-004, 2011-68, at 2007-11.
Ang nagre-regulate sa mga tricycle at padyak ay ang mga lokal na pamahalaan.
“Pinapayagan lamang po ang operasyon ng tricycles sa secondary roads at ipinag-uutos na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang one-passenger, no-back ride policies sa lahat ng GCQ at MGCQ areas,” dagdag pa ni Malaya.
Iginiit ni DILG Secretary Eduardo Año na hindi dapat payagan ng mga lokal na pamahalaan ang back ride.
“Ibayong pag-iingat pa rin po ang ipinapatupad kahit pa GCQ o MGCQ na. Batid man ng gobyerno ang daing sa transportasyon ay kailangang manguna pa rin ang pagsunod sa physical distancing at iba pang health safety protocol dahil hindi pa naman po nawawala ang banta ng COVID-19. ‘Di pa tayo puwedeng maging kampante,” saad ni Año.
“Ang pamamasada ng tricycles sa secondary roads ay konsiderasyon sa mga tricycle drivers na nakasalalay ang kabuhayan dito subalit kailangang sundin ang mga pag-iingat na bahagi na ng ating “new normal,” dagdag pa ng kalihim.