MAAARI umanong magbigay ng special identification card o exemption passes ang Inter-agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) para sa mga mag-asawa na papayagang magkaangkas sa motorsiklo.
Ayon kay Ang Probinsyano Rep. Ronnie Ong bagamat magiging abala ang pagtingin sa mga motorsiklo na may back-ride, dapat isaalang-alang din ng IATF-EID ang paghihirap ng mga walang masakyan.
“Sana naman maintindihan ng Task Force na hindi lahat ng mga kababayan natin ay may sariling kotse o may kakayahan na magbayad ng taxi o kaya ng ating mga TNVS. Kailangan nating mabigyan ng ligtas na alternatibong transportasyon ang mga kababayan natin. Sobrang bugbog na po ang karamihan sa atin dahil sa Covid pandemic. Bigyan naman natin sila ng kaunting konsiderasyon,” ani Ong.
Kung mayroon umanong ID o passes ay mas magiging mabilis ang pagpapadaan sa mag-asawang papayagang sumakay sa motorsiklo.
Ang ID o passes ay dapat umanong mayroong picture ng mag-asawa.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año patuloy na ipinagbabawal ang angkas sa motorsiklo.
Maaari umano na ang angkas o ang driver ay makakuha ng virus sa kanyang trabaho at mahawa ang kanyang asawa na kasama nitong sasakyan sa motorsiklo pag-uwi.
Paliwanag naman ni Ong magka-angkas man sa motorsiklo o hindi, ang mag-asawa ay magsasama ang dalawa sa bahay.
“It doesn’t make sense that people who are living, eating and sleeping together in the same house should be apprehended for being in the same vehicle or for riding together in a motorcycle for supposed violation of the rules on physical distancing set by the IATF,” saad ni Ong.
Mas mahirap pa umano sa gobyerno ang contact tracing kung nag-commute ang nahawa dahil iba’t ibang tao ang kanyang nakasalamuha sa daan.
Para hindi makopya, maaari umanong kunin ang serbisyo ng Department of Information and Communications Technology (DICT) upang siyang gumawa ng electronic passes na maaaring mabasa ng mga QR reading apps.
“These are very simple solutions to a very simple problem. Let’s not make this issue very complicated,” dagdag pa ni Ong.