HINILING ng isang solon sa Manila Electric Company na muling i-waive ang P47 online convenience fee na sinisingil sa mga kustomer nito na nagbabayad online.
Sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability na pinamunuan ni AnaKalusugan Rep. Mike Defensor, kinumpirma ng Meralco na naibalik na ang online convenience fee nito matapos isailalim ang Metro Manila sa General Community Quarantine.
Dahil dito hiniling ni Quezon City Rep. Anthony Peter “Onyx” Crisologo sa Meralco na muling i-waive ang bayarin.
Sagot naman ni Atty. William Pamintuan, Meralco Senior Vice President at Head ng Legal and Corporate Governance Office, may opsyon na ngayon ang kanilang mga kustomer na magbayad sa mga payment center.
“Because of the opening of business centers, the waiver will not be effective anymore,” ani Pamintuan. “The rationale for that waiver was that business centers and other payment channels that were available to consumers were unduly restricted because of the ECQ (Enhanced Community Quarantine).”
Umapela naman si Crisologo at sinabi na bagamat nagbukas na ang mga payment centers hindi pa rin bumabalik ang lahat sa normal gaya ng sektor ng pampublikong sasakyan.
“Sana po intindihin rin ng Meralco if you can possibly still waive it because kahit naman GCQ na tayo and open na po ang business centers po ninyo, yung normal na tao, yung mamamayan natin wala po silang means of transportation,” ani Crisologo.
“Especially yung mga nagko-commute, malayo po ang kanilang babaybayin,” dagdag pa ng solon.
Sinabi naman ni Pamintuan na ikokonsidera ng Meralco ang apela ni Crisologo.