BINUKSAN na ngayong araw ang bahagi ng NLEX Harbor Link na magpapabilis sa biyahe ng mga trak papunta at galing sa Maynila at North Luzon Expressway.
May habang 2.6 kilometro ang elevated section na binuksan kanina.
Ang NLEX Harbor Link ay idurugtong hanggang sa Mel Lopez Boulevard (dating R10) sa Maynila.
Kasama sa binuksan kanina ang Caloocan interchange na mayroong papasok at palabas sa Grace Park, Malabon Exit sa Dagat-Dagatan Avenue at Navotas Interchange sa North Bay Boulevard South.
Dumagdag ito sa 2.42-kilometrong Segment 9 sa pagitan ng NLEX Interchange hanggang Bgy. Karuhatan sa Valenzuela City at 5.65 kilometrong Segment 10 sa pagitan ng Brgy. Karuhatan hanggang sa Caloocan Interchange sa Grace Park C3/5th Avenue.
“The expanded NLEX Harbor Link will certainly boost the government’s traffic decongestion efforts in Metro Manila and other major thoroughfares. This will be an alternative route between Quezon City and Manila. From the Mindanao Toll Plaza, motorists may now reach the Port Area in Manila in about 15 to 20 minutes,” ani Department of Public Works Sec. Mark Villar.
Tinatayang 30,000 sasakyan ang makikinabang sa proyekto araw-araw.
Bago matapos ang taon ay target ng DPWH at NLEX na matapos ang exit ramp sa Navotas Fish Port Complex.