MAAARING pagsasayang lamang umano ng pondo ng gobyerno ang pagtatayo ng bicycle lane sa EDSA.
Ito ang pananaw ni Marikina Rep. Bayani Fernando na nagsabi na dapat matuto ang bansa sa karanasan ng ibang bansa na dati ay nakatuon ang isip sa pagbibisikleta.
“Ang dami nating road, bakit sa EDSA ipinagpipilitan (ang bike lane)?” tanong ni Fernando na nagpahayag ng pangamba na baka lalong bumagal ang daloy ng trapiko sa EDSA.
Sa virtual hearing ng House committee on Metro Manila Development sinabi ni Fernando na dapat tignan ng gobyerno kung ano ang hinaharap ng pagbibiskleta sa mga kalsada ng Metro Manila.
Aniya, noon ay nakipag-sister city ang Marikina sa Wuhan, China kung saan bumper to bumper ang bisikleta.
Pero makalipas umano ang ilang taon ay wala ng nagbibisikleta sa Wuhan dahil mayroon na silang maayos na public transport.
“Unang-una, ano ba ang prospect? ano ba ang future ng bicycle?,” ani Fernando na dating chairman ng Metropolitan Manila Development Authority.
“Ako sa Marikina built the most expensive bicycle lane in the country. I was so disappointed when we built it, walang namimisikleta,” saad ng solon.
Kung mayroon umanong dapat na pagkagastusan ang gobyerno ito ay ang maayos ang public mass transportation.
“Lets focus on our public transport. Lets improve it,” dagdag pa ni Fernando. “Bicycle, they can used any road but huwag sa congested road natin. Don’t give them that privilege on riding EDSA. Let’s be practical.”