SISIMULAN na ng Quezon City ang phase 1 ng Bike Lane Network project nito upang mas maging ligtas ang pagbibisikleta sa lungsod.
Minamadali ni Mayor Joy Belmonte ang proyekto upang maipatupad na ito sa Hulyo.
“We are working double time on this project so that the increasing number of bikers in our city will be able to travel safely without other vehicles running over their lanes,” ani Belmonte.
Ang first phase ng proyekto ay ang pagsasaayos ng kasalukuyang bike lanes at ang paglalagay ng temporary at semi-permanent traffic separation devices.
Tinukoy na rin ang mga bagong bike lanes at ang mga paglalagyan ng parking ng bisikleta.
“Commonwealth Avenue is one of the major thoroughfares in our city so it is fitting to include it in our bike lane network,” dagdag pa ng mayora.
Nabatid na nakipag-ugnayan na si Belmonte sa Metro Manila Development Authority (MMDA) kaugnay ng plano nito sa Commonwealth Ave., isang national government highway.
Isang ordinansa rin ang binabalangkas ng siyudad upang mas mapangalagaan ang mga siklista.
Noong 2017, isinulong si Belmonte ang pagpasa ng Road Safety Code of Quezon City. Siya noon ang bise alkalde ng lungsod.