SASAILALIM sa rapid antibody test ang lahat ng tauhan ng Metro Rail Transit 3 matapos na magpositibo sa coronavirus disease 2019 ang 15 empleyado ng Sumitomo-MHI-TESPI, ang maintenance provider ng rail line.
Ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang magsasagawa ng rapid test.
“The health and safety of our employees and passengers are primordial to us. All employees will be required to undergo testing. We have been conducting disinfection in the depot, at stations, and in trains. We will continue to implement these and other measures to contain the spread of the virus in our workplace, stations, and trains,” ani MRT-3 Director for Operations Michael Capati.
Uulitin din ang pagsasagawa ng depot-wide disinfection na huling isinagawa noong Lunes.
Ang mga magpopositibo sa rapid antibody testing ay sasailalim sa Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) confirmatory testing at isasailalim sa self-quarantine habang hinihintay ang resulta.
“We have the best interest of our passengers and employees at heart. We want to immediately address the situation to prevent more people from contracting the disease,” dagdag pa ni Capati.
Noong Hunyo 11, isang tauhan ng Sumitomo-MHI-TESPI ang sumailalim sa RT-PCR test matapos magpositibo sa rapid anti-body test. Lumabas ang positibong resulta nito noong Hunyo 14.
Huling pumasok ang empleyado sa trabaho noong Hunyo 8.
Agad na nagsagawa ng contact tracing at 32 ang natukoy na nakasalamuha ng nagpositibong empleyado. Sa mga ito 14 ang nagpositibo.
Nagsasagawa pa ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng 14 na nagpositibo.