IGINIIT ng Palasyo na may intelligence report na natatanggap si Pangulong Duterte kaugnay ng umano’y kutsabahan ng mga dilawan, Communist Party of the Philippines (CPP) at grupo ni Sen. Antonio Trillanes IV para siya patalsikin sa pwesto.
“Ah, grupo ni Trillanes ‘no. At kapag sinabi naman po ng Presidente iyan, sigurado po na mayroon siyang intelligence information. Ang pagkakaalam ko rin po ay talagang nagkakasa sila ng isang malawakang destab ‘no para po dito sa anibersaryo ng Martial Law ng Setyembre. Kaya nga po ang sabi ng Presidente, it would be in high gear pagdating ng Oktubre ‘no,” sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ito’y matapos namang umalma si Vice President Leni Robredo at Sen. Francis “Kiko” Pangilinan kaugnay ng pahayag ni Duterte kung saan isinangkot niya ang Liberal Party (LP), CPP at grupo ni Trillanes sa umano’y sabwatan para siya matanggal sa katungkulan.
“Ang sabi nga po niya, eh sabwatan iyan sa parte ng mga dilaw, sa parte po ng mga komunista at sa parte po ng—ano pa ho iyong pangatlong sinabi niya? May pangatlo pa siyang grupo na sinabi,” ayon pa kay Roque.
Kampante naman si Roque na walang suporta sa kapulisan at kasundaluhan ang anumang pagtatangka laban sa administrasyon.
“Sa tingin ko po, dahil ang Presidente lang ang tanging Presidente na talagang nakapangalaga ng mga interes ng ating mga kasundaluhan at kapulisan, dinoble ang kanilang mga sahod, ay mahihirapan po itong si Trillanes – bagama’t masters in destabilization siya – para makakuha ng suporta sa ating kasundaluhan at mga kapulisan,” giit ni Roque.