Sports

A ‘SETTING, SOARING’ LADY FALCON IN THE MAKING

By: - 09/24/2018

@inquirer_libre

MAHIGIT isang taon pa ang hihintayin ng rising volleyball prodigy na si Louie Romero bago maipakilala ang sarili sa University Athletic Association of the Philippines.

Maglalaro para sa Adamson University sa UAAP Season 82 sa 2020 si Romero ngunit ngayon pa lang ay inihahanda na ng 18-year old grade 12 senior high school student mula Kings Montessori School sa Quezon City ang sarili para sa pagharap sa bagong yugto ng kanyang papasibol na karera.

“For now, I want to keep training hard and enjoy my last year playing in high school and preparation for my college career as a Lady Falcon,” sabi ni Romero sa eksklusibong panayam ng Inquirer Libre.

Kinakitaan ng husay na makipagsabayan sa mga banyaga, isinali si Romero sa lineup ng Pilipinas sa 10th ASEAN School Games sa Malaysia nitong Hulyo.

Wala mang naipanalong laban at tumapos lamang sa ikalimang puwesto sa anim na bansang kalahok, masaya si Romero na maging bahagi ng 18-under national squad at matuto pa mula sa once in a lifetime experience na ito.

“Sobrang saya although wala kaming naipanalo pero malaking experience and opportunity yun kasi malakas kalaban namin and nalaman namin yung pagkukulang namin,” sabi ni Romero na naglalaro bilang setter.

Naimbitahan din si Romero bilang guest player ng Lady Falcons noong 2017 Premiere Volleyball League Open Conference kung saan sinubukan ang kanyang kakayahan na mag-setup ng plays para sa Lady Falcons.

Hindi nga nagsisi ang koponan mula sa San Marcelino sa Maynila sa desisyon nito na hugutin ang back-to-back Palarong Pambansa Best Setter (2017 at 2018) dahil sa mahusay na pagtitimon ng plays na maging si coach Airess Padda ay napahanga sa potensyal ng dalaga.

Sinabi pa ng American mentor na si Romero ang isa sa mga ‘future’ ng Lady Falcons.

Hindi naman inilalagay sa ulo ni Romero ang papuring ito ni Padda bagkus ay nakatuon ang kanyang pag-iisip kung paano tutulungan ang Lady Falcons sa hinaharap.

“I’m happy yet pressured but anything is possible. Naalala ko yung sinabi ni coach Onyok na one of the keys to become a champion team is preparation and hard work. So siguro diyan muna kami magpo-focus and darating din tayo sa gusto naming makuha,” aniya.

SETTING THE GOALS

Nasa ikaapat na baitang sa elementarya si Romero nang mamulat sa volleyball dahil sa impluwensiya ng kanyang mga ate na inter-barangay players sa kanilang lugar.

Mula noon ay unti-unting nilinang ni Romero ang nasimulang hilig hanggang sa makamit ang mga pagkilala na mayroon siya ngayon.

Sa kasalukuyan, isa si Romero sa mga inaabangang high school volleybelles na magpapasabog sa collegiate scene.

Matapos na maging four-time champion sa NCR meet, dinala naman ni Romero ang Team NCR tungo sa kampeonato sa Palarong Pambansa noong 2015, 2016 at 2018.

Nagkampeon din siya sa 2018 Rebisco Volleyball League NCR Leg at itinanghal pang Best Setter at Most Valuable Player.

Idagdag pa dito ang triple crown sa Women’s Volleyball league (WVL) kung saan nakamit niya ang pagiging Best Setter (2016) , MVP (2017) at Best Server (2018).

Malaking bahagi pa ng tagumpay ni Romero ang mga idolong international star na si Nootsara Tomkom ng Thailand at national team member na si Jia Morado ng Ateneo Lady Eagles.

Sina Nootsara at Morado ay mga setter din kaya sa kanila kumukuha ng inspirasyon si Romero para pagbutihin pa ang tinahak na larangan.

“Magaling kasi siya sa decision (Morado) and nakakakuha ako ng tips sa kanya.”

Lubos ang naitulong ng volleyball para hubugin ang karakter ni Romero pati na rin kung paano pagsabayin ang academics at sports.

“Ang laking tulong ng volleyball sakin kasi dito ako natutong mag-mature mag isip ng tama and yung desisyon ko dapat maayos,” sabi ni Romero.

“Masaya naman kasi student-athlete alam nating mahirap pero motivated ako lalo na i-balance yung pag-aaral at laro, ” aniya pa.

Isang UAAP season pa ang palilipasin bago tuluyang suotin ni Romero ang mga kulay ng Adamson ngunit mabilis lang ang panahon at hindi natin mamamalayan na isang araw matayog na siyang lumilipad bilang Lady Falcon.

Advertisement

What You Missed

ULTIMATE GUIDE

8 stress relievers according to Kris Aquino

KRIS Aquino, the queen of social media, has a few things to say about beating...

VIRAL: Test paper ng Grade 2 ‘disturbing’, may tanong tungkol sa EJK, abusadong pulis

Bothered ang isang netizen nang i-post niya ang nakita niyang mga tanong sa exam ng...

Bilyon-bilyong pisong road users tax, anong silbi sa ‘yo?

KAMAKAILAN ay binuwag ng Malakanang ang tinaguriang Road Board dahil nagiging “milking cow” umano ito...

ARMY speaks: 12 reasons (or more) why BTS is today’s best boy band

BTS has proven a lot of things.  One of these was when they cracked the...

Why do you need to examine your balls?

SIGURO pamilyar ka naman sa programa kaugnay ng pagtuturo sa mga babae ng pagsalat sa...

8 Reasons Why Greenhills is a Shopping Haven

        A premier buying destination, Greenhills, through the years has been an...

Siguradong atin ito! 6 classic Pinoy food na may look-a-like

Nakakatuwang pag-aralan ang kasaysayan ng mga pagkaing Pinoy. Kilala tayo sa pagkakaroon ng iba’t ibang...

Top 8 most ‘kadiri’ food

DIG in. But will you be willing to dig in kung ang nasa hapag mong...

Saan aabot ang P500 mo? LRT2 : Pureza Station

Sino nga ba naman ang hindi nakakaalam ng Pureza Station ng LRT Line 2? E,...

Hanggang saan aabot ang P500 mo? MRT3: Balintawak Station

Hindi sa lahat ng oras ay nais nating kumain sa labas. Pero ‘pag nagluto ka,...

Libre Unbox Ep1: GV Symphony 3 PRO

Start the year right and party like it’s 2018 mga ka-Libre with this ultra cool,...