INATASAN ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang mga ahensiya na nasa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) na maghanda para tulungan ang mga motorista at mga naglalakbay sa pagdiriwang ng Kapaskuhan.
Ito ang inihayag ni Tugade matapos na ilunsad ang “Oplan Biyaheng Ayos: Pasko 2018″ para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero papunta at pabalik ng kani-kanilang probinsya.
“Ito ang panahong pinakahihintay ng karamihan sa ating mga kababayan, kaya nais nating matulungan silang makarating nang mabilis, komportable, at ligtas sa kanilang mga mahal sa buhay,” sabi ni Tugade.
“Gagawin ko, sampu ng mga kawani at ahensya sa ilalim ng DOTr, ang lahat upang maibigay sa kanila ito,” dagdag ni Tugade.
Magsisimula ang oplan sa Disyembre 10 at matatapos sa Enero 5, 2019.